MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pang ebidensya ang makapagsasabi na ang na-detect na mutations ng SARS-CoV-2 virus ang nasa likod ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa Central Visayas.
“Wala pang conclusion na dahil nakita natin yung mutations na ito, yun yung dahilan kung bakit mabilis ang pagtaas ng kaso sa Region 7,” ani Dr. Alethea de Guzman, OIC director at Chief Epidemiologist ng DOH-Epidemiology Bureau
Ito rin ang posisyon ni Health Sec. Francisco Duque na nagsabing maraming “factors” ang posibleng dahilan kung bakit sumirit muli ang coronavirus cases ng rehiyon.
Kabilang na rito ang pagluluwag ng quarantine measures.
“Siyempre kung tumaas ang mobility, yung contact rate, transmission rate tumaas din… pwedeng madaming dahilan,” ayon sa kalihim.
Batay sa datos ng DOH, isa ang Region 7 sa mga lugar sa bansa na patuloy na nakakapagtala ng mataas na bilang ng bagong kaso ng sakit.
Partikular na sa Cebu province, at mga lungsod ng Cebu, Lapu-Lapu, at Mandaue.
“Yung ibang provinces nakakapagpakita ng pagtaas ng kaso pero hindi kasing bilis ng ibang areas mentioned,” ani Dr. De Guzman.
Sa kabila ng tumataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa Central Visayas, nilinaw ng opisyal na nananatiling mababa ang utilization rate ng healthcare facilities sa rehiyon.
“Remains in safe zone, less than 60%. Not just regionally, but in the specific provinces and HUCs (highly-urbanized cities) of Cebu.”
Ayon kay Dr. Celia Carlos, director ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), inatasan na nila ang DOH-7 na magpadala ng karagdagang samples para sa whole genome sequencing.
Sa ganitong paraan daw mamo-monitor ng pamahalaan kung may iba pa bang mutation o variant ng SARS-CoV-2 na kumakalat sa Central Visayas.
“Because yung mga na-sequence ay maliit na number of samples… to have clearer picture of the situation, we need to sequence more samples in areas of Region 7 to draw conclusions.”
Tiniyak naman ng DOH-7 ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan bilang tugon sa natuklasang “mutations of concern” sa rehiyon.
“We immediately convened our mayors. We have informed them on the possible scenario that could happen if this would go unhampered… all our mayors are aware on what to do,” ani Dr. Jaime Bernadas, regional director.