MANILA – Wala pang naitatalang insidente ng “blood clot” o pamumuo ng dugo mula sa mga indibidwal na naturukan ng AstraZeneca COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Ito ang nilinaw ng Department of Health (DOH) sa gitna ng pagpapatigil ng ilang bansa sa Europe na gumamit ng naturang bakuna dahil sa mga kaso ng “blood clot” sa ilang naturukan.
“Wala pa tayong nano-note na mga ganitong incidents,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Bagamat wala pang naitatalang kaso ng pamumuo ng dugo sa mga nabakunahan ng AstraZeneca vaccine sa bansa, tiniyak ng opisyal ang pagmo-monitor sa mga tumanggap ng British-Swedish vaccine.
“Everything will be undergoing the cosality assessment at malalaman natin pagkatapos.”
Kung maaalala, ipinatigil ng Denmark, Norway, at Iceland ang paggamit ng AstraZeneca vaccine matapos silang makapagtala ng mga insidente ng “blood clotting.”
Maging ang Thailand ay ipinahinto muna ang pagtuturok ng naturak bakuna dahil sa takot.
“Base sa pag-aaral ng European Medicines Authority, it is about a small number out of more than 5-million people ang nagkaroon ng ganitong incidents.”
“Parang sinasabi nila, yung benepisyo ng pagbabakuna still outweighs that risk na ina-identify sa ngayon na wala pa tayong ebidensya.”
Una nang sinabi ng DOH at Food and Drug Administration na tuloy pa rin ang pagbabakuna gamit ang AstraZeneca vaccines sa bansa.
Batay sa datos ng Health department as of March 10, mayroon nang tinatayang 114,615 indibidwal na naturukan ng COVID-19 vaccines.
Ang 101,827 sa kanila ay tumanggap ng Sinovac vaccine, habang 12,788 ang naturukan ng AstraZeneca vaccine.