-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kailangan pa ng masusing pag-aaral para matukoy na mabisa bilang supplement laban sa COVID-19 ang virgin coconut oil (VCO).

Pahayag ito ng ahensya matapos i-anunsyo ng Department of Science and Technology (DOST) na maganda ang lumabas na resulta sa pag-aaral na ginawa ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) sa ilang probable at suspect COVID-19 cases.

“Inspite of initial results of VCO dito sa study na unang ginawa ng DOST, kailangan natin ng further study para makapagbigay ng sapat na ebidensya para masabi na katanggap-tanggap itong VCO na adjunct therapy for COVID-19,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Paliwanag ng opisyal, hindi layunin ng pag-aaral na ituring bilang gamot sa coronavirus ang virgin coconut oil. Magbibigay suporta lang daw ito sa gamutan ng mga pasyenteng nagpapagaling sa COVID-19.

“Hindi siya gamot para pigilan niya kung ikaw ay magkakaroon ng COVID-19 o hindi. Hindi rin siya gamot na natuklasan at may ebidensya na makakapagpatigil kung may COVID o wala na,” dagdag ng DOH spokesperson.

Lumalakad pa ngayon ang hiwalay na VCO clinical trial ng UP-Philippine General Hospital. Tatagal ito hanggang Mayo ng 2021 at dito malalaman kung epektibo rin ang naturang langis sa mga mild at severe cases.