-- Advertisements --

MANILA – Inirerekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) na sumailalim sa training ang mga vaccinators kaugnay ng pagtuturok ng single-dose COVID-19 vaccine ng Janssen Pharmaceuticals.

Ang Janssen ay kompanya sa ilalim ng multinational corporation na Johnson & Johnson.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang rekomendasyon ng ahensya ay bunsod ng mga naitalang insidente ng “blood clotting” o pamumuo ng dugo sa ilang nabakunahan ng Janssen sa Amerika.

“Kailangan i-monitor according sa mga eksperto at mga artikulong lumabas, kailangan monitor anaphylaxis, pero yung venous thromboembolism, vaccine associated enhanced diseases kailangan tingnan sa bakunang ito.”

“So kailangan i-traing yung vaccinators so that they can immediately recognize these adverse events among our citizens who will be vaccinated para tayo ay nasa safe side.”

Nitong Martes nang aminin ng FDA na ginawaran na nila ng emergency use authorization ang bakuna ng Belgium-based company.

Kamakailan nang aminin ng mga opisyal sa Amerika na may naitala ring mga insidente ng pamumuo ng dugo sa ilang nabakunahan ng Janssen vaccine.

“Patuloy na pinag-aaralan ng mga manufacturer at mga eksperto related to this vaccine, (pero) itong blood clotting are very very rare side effects, and this also according to our experts at WHO (World Health Organization).”

Nitong Lunes sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na ngayong linggo pipirma ng supply agreement deal ang Pilipinas at Johnson & Johnson para sa hanggang 6-million doses ng kanilang bakuna.