-- Advertisements --

Patuloy daw na bumababa ang utilization rate o bilang ng COVID-19 patients na nakaratay sa kama ng mga ospital, ayon sa Department of Health (DOH).

Kaya naman pinag-iingat ng ahensya ang publiko ngayong holiday season para hindi sumirit muli ang bilang ng mga kaso ng coronavirus sa bansa.

“Itong ating mga numero ay magbabago anytime. Kahit bumababa, hindi ito irreversable. Pwedeng mabaligtad at sumipa muli ang mga kaso (ng sakit),” ani Health Sec. Francisco Duque III sa isang media forum.

Ayon sa kalihim, as of November 29 nasa 37% ang overall utilization rate ng COVID-19 beds sa bansa. Binubuo ito ng mga pasyenteng nakahiga sa ICU, isolation, at ward beds.

May decreasing trend daw na nakita ang ahensya sa COVID-beds ng ilang rehiyon, tulad ng National Capital Region, Mimaropa, Zamboanga Peninsula, at Caraga.

“Ang NCR naman ay naglaan ng 6,771 COVID-19 dedicated beds na ang katumbas ay 23% ng kanilang pangkalahatang bed capacity, at 27% yung public share. 17% share ng pribadong ospital sa bed allocation.”

Batay sa December 1, 2020 COVID-19 situationer ng DOH, bumaba pa sa 35% o 7,782 ang total bed utilization rate ng bansa mula sa 22,234 beds noong November 30.

Ang 41% nito ay okupadong mga ICU beds (806 out of 1,978), 29% ward beds (1,880 out of 6,501), at 37% isolation beds (5,096 out of 13,755).