Umabot sa 539 na kaanak ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJK) ang nag-apply bilang “participating victims” sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Layunin nito na maiparating ang kanilang pananaw sa proseso ng paglilitis.
Ayon kay ICC Assistant to Counsel Atty. Maria Kristina Conti, hindi kailangang tumestigo sa korte ang mga ito dahil hiwalay sila sa mga testigong pipiliin ng Prosecution at Defense.
Saklaw lamang ng kaso ang mga insidente mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.
Dagdag pa ni Conti, maaaring magbigay ang ICC ng konsiderasyon kay Duterte, kabilang ang paglahok sa pagdinig sa pamamagitan ng video call.
Posibleng magsimula ang paglilitis sa loob ng taong ito.
Nauna nang pinagtibay ng ICC ang hurisdiksyon nito at kinumpirma ang mga sakdal laban kay Duterte kaugnay ng crimes against humanity, kabilang ang murder at attempted murder, na umano’y bahagi ng malawak at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan.
















