-- Advertisements --

Binasag na ni dating House Speaker Martin Romualdez ang kanyang pananahimik upang mariing pabulaanan ang mga paratang na siya ang mastermind sa isang malawakang corruption scheme, kasabay ng pagpapahintulot na isapubliko ang kanyang sinumpaang salaysay.

Ayon sa dating lider ng Kamara, pinili niyang manahimik noong una bilang respeto sa legal process at upang hindi na makadagdag sa ingay ng isyu, subalit inaabuso na umano ito ngayon.

Iginiit ng dating Speaker na mula sa simula ng kontrobersiya ay naging kooperatibo siya, humarap sa mga awtoridad, at hindi tumakas o nagtago. Kusang-loob umano siyang nagpasa ng affidavit sa ICI at nagbigay ng mga kinakailangang dokumento.

Upang patunayan ang kanyang transparency, iniutos niya ang agarang public release ng kanyang affidavit upang ang taumbayan mismo ang humusga kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang sadyang nagiging biktima lamang ng pamumulitika.

Tinawag din ni Romualdez na most absurd accusation ang pagtuturo sa kanya bilang utak ng katiwalian, lalo na pagdating sa pondo ng bayan.

Nilinaw nito ang proseso ng pagbalangkas ng badyet, kung saan nagmumula ang panukala sa Executive department bilang National Expenditure Program bago ito isumite sa Kongreso.

Idinagdag pa ng mambabatas na ang Kamara ay binubuo ng daan-daang miyembro at nasa 85 komite, dahilan upang maging imposible para sa isang Speaker na makontrol ang bawat komite o madiktahan ang iba pang sangay ng gobyerno.