Naghain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) para sa P10 dagdag sa minimum na pamasahe sa pampasaherong jeep.
Kapag naaprubahan, maaaring tumaas ang minimum fare ng pamasahe sa mga pampasaherong jeep ng P23.
Ayon kay PISTON president Mody Floranda, hindi sapat ang mga pansamantalang tulong ng pamahalaan tulad ng fuel subsidy dahil isang beses lamang ito naibibigay.
Aniya, ramdam pa rin ng mga driver at operator ang epekto ng mataas na presyo ng krudo at mga bilihin.
Giit pa ng grupo, hindi rin nakatulong nang tuloy-tuloy ang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene dahil patuloy pa ring tumataas ang iba pang gastusin tulad ng maintenance ng mga sasakyan.
Sinabi pa ng PISTON na ang kasalukuyang P1 na dagdag-pasahe na ipinagkaloob ng LTFRB ay hindi sapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tsuper.
Dagdag pa nila, kahit may kaunting rollback sa presyo ng langis, hindi pa rin ito nakababawi sa mga naunang malalaking taas-presyo.
Sa panig naman ng LTFRB, sinabi nitong agad nilang pag-aaralan ang naturang petisyon.















