-- Advertisements --
MANILA PIO Trabajo Market
IMAGE | Manila City government ordered the disinfection of Trabajo Market’s vicinity following the viral video and photos of rapid test kits seen along the M. Dela Fuente Street last Tuesday evening/Manila PIO

Umapela ang Department of Health (DOH) sa mga local governemnt units, ospital at laboratoryong humahawak ng COVID-19 tests at confirmed cases kaugnay ng tamang disposal o pagtatapon ng health care wastes.

Pahayag ito ng ahensya matapos lumabas ang ulat hinggil sa nagkalat na antibody rapid test kits sa Trabajo Market sa Lungsod ng Maynila kagabi, matapos umanong malaglag mula sa kariton ng isang mangangalakal.

“Itong mga rapid test kits na ito ay healthcare waste. Ibig sabihin mas iba ang treatment nyan kesa sa ordinary waste products natin sa bahay dahil ito ay maaaring makapang-hawa at makapag-cause ng harm sa tao,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Baka hinahawakan lang ng mga nagkokolekta at wala silang gloves, and they can easily get infections or be harmed dito sa mga practice na ito.”

Ayon sa opisyal, dapat nakasilid sa isang bag na may label bilang health care waste, at hindi maaaring basta sino lang ang magtatapon nito.

May mga nakatalaga namang dumpsite para sa healthcare waste na aprubado ng Department of Environment and Natural Resources. Ang healthcare facilities ay mayroon ding kontrata sa healthcare disposal firms na nangangasiwa sa pagtatapon ng nasabing mga equipment sa health facilities.

“Nananawagan kami sa mga LGUs, healthcare facilities we have policies, protocols para sa proper disposal ng healthcare wastes. Itong mga ginagamit natin sa COVID-19 response tulad ng PPEs, kits, diagnostic kits at iba pang ginagamit for patients, ito ay healthcare wastes.”

Paliwanag ni Vergeire, maaaring patawan ng suspensyon at mawalan ng lisensya ang mga pasilidad na mapapatunayang nagpabaya sa pagtatapon ng healthcare wastes.

“Kapag nakita namin na you are not disposing your wastes properly, then there would be according sanctions for this… mayroon naman tayong in-general na sinusunod na patakaran.”