-- Advertisements --

Naka-depende pa rin daw sa tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panunungkulan ni Sec. Francisco Duque III bilang kalihim ng Department of Health (DOH).

Ito ang sinabi ni Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire sa gitna ng maingay pa rin na mga panawagan para umalis sa pwesto si Duque.

“The secretary serves at the pleasure of the president. As long as the president still trusts him and still tells him to continue on with work, he will continue to work.”

“He has been steadfast in saying na talagang siya ay magta-trabaho hanggang sinasabi pa ng presidente na magtrabaho siya.”

Nitong Lunes nang sabihin mismo ng pangulo na hindi pa panahon para lisanin ni Duque ang kanyang pwesto sa DOH.

“Secretary Duque, this is not the time for you to resign. I have heard stories about, you’re going to resign. I have full trust in you. Ang akin lang naman diyan ‘yung corruption,” ani Duterte.

Ayon kay Vergeire, suportado ng buong kagawaran ang kanilang kalihim dahil nagagampanan naman nito ang kanyang tungkulin bilang lider ng Health department.

Umaasa ang tagapagsalita ng ahensya na isasantabi muna ng mga opisyal ang issue habang tinutugunan ng gobyerno ang pandemic crisis.

“Ang buong Kagawaran ng Kalusugan ay nasa likod niya, we are supporting him and he has given us that direction and leadership para sa response na ‘to.”

“Sana hindi na tayo magkaroon ng mga ganitong pananaw at magkaroon na lang tayo ng unified support para sa mga namumuno sa pandemya na ‘to, so that we can be able to move forward and do better in our response.”

Dawit ang pangalan ni Duque sa umano’y katiwalian sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), kung saan umuupo din siya bilang ex-officio board chairman.

Sa committee report ng Senado, inirekomenda ng mga mambabatas na makasuhan si Duque, kasama ng PhilHealth officials na dawit sa kontrobersya.