-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Health (DOH) na hindi kailangang i-ban ang paggamit ng rapid antibody test sa COVID-19.

Pahayag ito ng kagawaran sa gitna ng mga panawagan mula sa medical experts na ihinto na ang paggamit ng rapid test dahil posibleng palalain nito ang transmission ng sakit.

“Hindi kailangan i-ban kasi may gamit pa rin naman siya dito sa ating response,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Paliwanag ng opisyal maaaring gamitin ang rapid test sa mga recovered patients. Nagiging accurate o tiyak na raw kasi ang resulta nito matapos ang 21-araw ng infection. Dito madali na raw makita kung nakapag-develop ng Immunoglobulin G (IgG) o antibody na nagsasabing gumaling na ang pasyente.

“(We’re) not really (advocating) total banning pero kailangan lang appropriate use atsaka naka-align sa kung paano gamitin ang rapid test. Hindi for screening.”

Una nang sinabi ng DOH na maglalabas sila ng Omnibus guidelines sa paggamit ng iba’t-ibang test sa COVID-19. Kabilang na ang wastong paggamit ng RT-PCR, antigen at rapid antibody tests.

“Gusto namin may isang dokumento na magre-refer lahat ng ating mga gumagamit kung ano yung appropriate use for each testing methodology.”

Nakapagbigay na raw ng rekomendasyon ang technical advisory group at laboratory expert panel sa draft na kanilang ipinasa noong nakaraang linggo.

Sa nakalipas na mga linggo, ilang medical groups ang nagpahayag ng pagtutol sa rapid test bilang screening test ng COVID-19.