Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala nang banta na makahawa ng COVID-19 ang mga mild at asymptomatic cases na idineklara nang recovered o gumaling mula sa sakit.
Paglilinaw ito ng DOH sa gitna ng mga kwestyon sa iniulat nitong higit 37,000 bagong recoveries nitong Huwebes, kung saan malaking bilang ang re-tagged, o idineklarang recovery sa ilalim ng isang department memorandum.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may mga ebidensya nang nagsasabi na “non-infectious” o hindi na nakakahawa ang isang COVID-19 case, kapag hindi na ito nakaramdam ng iba pang sintomas sa loob ng 10 araw mula sa kanyang onset o unang beses na nakaramdam ng sintomas.
“Wala naman tayong naririnig na pumuputok na balita na yung mga tinag nila as recovered, as we are now going to do, ay nagkakalat sa community,” ani Vergeire sa isang press briefing.
Aminado ang Health spokesperson na may ilang recovered patients ang muling nag-positibo sa COVID-19 test, pero paliwanag nito sensitibo ang makinang ginagamit para sa confirmatory tests kaya hindi na ito inire-rekomenda sa pagtukoy ng recoveries.
“RT-PCR machine is very very sensitive. Kahit kapirasong part ng virus na yan made-detect niya yan sa katawan mo. Pero ang question, infectious pa ba ‘yan?,” ani Vergeire, na ipinunto rin ang suporta ng World Health Organization at iba pang pag-aaral sa kanyang pahayag.
“Ang isang tao, as long as the symptoms have resolve already at naka-sampung araw na siya from the date of onset of illness, siya ay non-infectious na.”
Maaari raw ideklarang COVID-19 recovery ang asymptomatic cases kung hindi ito nag-develop ng sintomas sa loob ng 14 araw na isolation mula nang kunan sila ng specimen para sa swab test.
Ang mga mild cases naman, maituturing lang daw na recovery kapag hindi na rin sila nag-develop ng sintomas sa loob ng 14 araw na isolation mula sa kanilang onset of illness.
Kapwa asymptomatic at mild cases ay kailangan din daw masuri ng doktor, at ideklara munang “clinically recovered.”
“Kapag sinabing clinically recovered ka na, nagkaroon ka na ng resolution nitong mga sintomas mo, halimbawa wala ka ng lagnat, pero may iba pang sintomas. Halimbawa yung ubo mo, kung dati hirap na hirap ka ng umubo, ngayon pakonti-konti na lang tapos nung in-X-ray ka clear naman yung X-ray mo, ibig sabihin pwede ka ng ma-tag as clinically recovered.”
Ani Vergeire, matagal nang nakapaloob sa kanilang polisiya ang pagse-secure ng naturang clinical clearance bago ma-discharge ang gumaling na COVID-19 cases.
Nitong Huwebes, pumalo na sa 89,374 ang total ng COVID-19 cases sa bansa. Ang total recoveries ay nasa 65,064, habang ang total deaths ay pumalo na ng 1,983.


















