-- Advertisements --

Tiniyak ni Health Sec. Francisco Duque III sa pamunuan ng Chong Hua Hospital (CHH) sa Cebu City na nakahanda ang government hospitals sa lungsod sakaling tuluyang mapuno ang kapasidad nito sa mga pasyente.

Nitong Huwebes nang makipagpulong ang kalihim sa mga opisyal ng pribadong ospital dahil nasa 98-percent na ng kanilang COVID-19 beds ang okupado.

Ayon sa CHH officials, higit 50-percent nang pasyenteng naka-confine sa COVID-19 beds ay severe at critical.

Mula naman sa 420 bed capacity ng mga non-COVID patients, 25-percent ang may naka-confine na pasyente.

“In these difficult times, we should maximize our resources and work together to succeed against our common enemy: the COVID-19,” ani Duque.

Nangako si Duque na nakahandang magbigay ng tulong ang Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) kapag tuluyang naabot ng CHH ang maximum occupancy rate nito.

“The DOH ramped up the COVID-19 capacity of VSMMC. It has available mechanical ventilators and high-flow nasal cannula oxygen non-invasive ventilation machines used for COVID-19 case intervention.”

Sa kasalukuyan nasa pagitan ng 40 hanggang 50-percent ang occupancy rate ng VSMCC.

Nasa Cebu City si Sec. Duque para asistihan si Environment Sec. Roy Cimatu na nakatutok sa COVID-19 situation ng lungsod.

Una nang sinabi ni Health spokesperson Maria Rosario Vergeire na karamihan ng pribadong hospital sa lungsod at lalawigan ng Cebu City ang okupado dahil sa kanilang mga ICU facilities. Ang Level 1 hospitals daw kasi ay may kailangan pang punan na requirements bago magkaroon ng nasabing pasilidad.