Naniniwala si Department of Health Secretary Teodoro Herbosa na maraming mga opsyon na magagamit upang malutas ang kakulangan sa mga nurse sa bansa, partikular na sa mga pampublikong ospital.
Ito ay sa kabila ng mga legal limitations na kinakaharap ng kagawaran.
Ayon kay Herbosa, nakahanda ang Professional Regulation Commission (PRC) commissioners at Board of Nursing na tulungan ang Department of Health (DOH) na makahanap ng mga solusyon
Dagdag pa niya, nagbigay ng mga mungkahi ang Board of Nursing kung paano masosolusyunan ang problema ng outward migration ng mga nars sa Pilipinas.
Kaugnay nito ay nagpasalamat naman ang kalihim kay Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma at PRC Commissioner Charito Zamora dahil sa lubos na suportang ibinibigay nito sa paghahanap ng mga legal na paraan upang malutas ang suliraning kinakaharap ngayon ng bansa pagdating sa kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas.
Sa ngayon kasi ay mayroon pang 4,500 na mga bakanteng posisyon ng mga nurses sa mga pampublikong ospital.
Kung maaalala, una nang inihayag ni Herbosa ang kaniyang planong kumuha ng mga board eligible na nakatanggap ng gradong 70 hanggang 74 porsiyento sa nursing licensure examination.