-- Advertisements --

Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko ukol sa posibilidad na mahawaan pa rin ng COVID-19 kahit nag-negatibo na sa coronavirus testing.

Pahayag ito ng ahensya matapos muling sabihin ng World Health Organization (WHO) na walang garantiya na “infection free” na ang mga indibidwal na negative ang test result sa COVID-19.

Ilang indibidwal kasi ang napabalitang ginagamit ang kanilang negative test results para makapunta sa mga lugar at makadalo sa ilang pagtitipon.

“We do not have any immunity passport. Ang isang tao na nag-positibo na at negatibo after can still get the virus,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Hindi porket tinest kayo at negative ay hindi na magkakaroon ng posibilidad na mag-positive kayo in the coming days.”

Ipinaliwanag ng opisyal na nagpapa-test lang dapat ang indibidwal sa pagitan ng ika-lima hanggang ika-pitong araw mula nang magkaroon siya ng exposure sa confirmed case.

Naka-depende rin daw sa uri ng test na ginamit ang posibilidad na tama o mali ang resulta.

“Kapag RT-PCR yung ginamit sayo, two days before na magkakasakit ka o mag-show ng symptoms, nakukuha na niya ‘yon. That can be accurate.”

“But when you use antigen test, for example, you dont have exposure, symptoms, kapag ginamit ko yan sayo, maaari yang magbigay ng false results.”

Nilinaw ng Health spokesperson na pagkatapos pa ng 21-araw mula nang magkasakit ang indibidwal tsaka nakapaglalabas ng tamang resulta ang rapid antibody tests.

“Dito sa mga scenario na ito, sinasabi talaga na kapag ikaw ay nagkaroon ng negative na resulta, hindi na kayo magkakasakit in the coming days.”

Sa huling tala ng DOH, umabot na sa 441,399 ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas.