-- Advertisements --

MANILA – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang pribadong sektor na sundin pa rin ang prioritization framework ng COVID-19 vaccination.

Pahayag ito ng kagawaran kasabay ng inaasahang pagsisimula ng vaccine rollout sa hanay ng essential workers sa susunod na buwan.

“Ang atin pa ring pinapayo that we follow the prioritization framework. Halimbawa yung kompanya niyo bumili ng 100 bakuna ngunit ang empleyado niyo ay 150, dapat doon sa 100 bakuna mauna yung priority na A1 hanggang A5,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa panayam ng Radyo 5.

“Lagi lang dapat priority yung vulnerable (sector) natin.”

Simula noong Disyembre pumasok sa iba’t-ibang “tripartite agreement” ang pribadong sektor para masigurong makakatanggap ng bakuna ang mga empleyado.

Pero sa ilalim ng prioritization framework ng pamahalaan, nasa ikaapat na pwesto ng listahan ang “essential workers,” habang nasa dulo pa ang ilang manggagawa.

“Kapag bumili kayo ng sapat na 150, kapag sinabi ng vaccine cluster that you can go and vaccinate because you’ve already procure for your company, pwede na natin sila bakunahan.”

Ayon kay Vergeire, nakaayon sa prioritization framework ng World Health Organization (WHO) ang binalangkas na priority list ng Pilipinas sa pagbabakuna.

Kung saan dapat mauna ang healthcare workers, senior citizens, at may comorbidity.

“Ang ating usapan, at ito ay napag-agreehan ng IATF together with the vaccine cluster dahil hindi pa sapat ang mga bakuna sa ngayon.”