-- Advertisements --

Todo ngayon ang panawagan ng Department of Health (DoH) sa mga health workers na nagbabantang magsasagawa ng malawakang kilos protesta na huwag nang ituloy ang kanilang plano.

Ayon kay DoH Usec. Maria Rosario Vergeire, isaalang-alang sana ng mga health workers ang kapakanan ng mga pasyente ngayong nahaharap pa rin ang bansa sa banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sinabi ni Vergeire na malaki ang epekto sa operasyon ng mga ospital at healthcare system ng bansa sakaling ituloy ng mga health workers ang kanilang mass protest sa Setyembre 1 lalo na’t patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Dagdag ng undersecretary na ginagawa na lahat ng DoH ang kanilang makakaya para maibigay ang hirit ng mga healthcare workers.

Ipinaliwanag ni Vergeire na mayroon kasing sinusunod na proseso ang pamahalaan kaya hindi pa agad maibigay ang kahilingan ng mga frontliners.

Kung maalala una nang nagbanta ang Alliance of Health Workers na tuloy ang kanilang protesta kapag hindi naibigay ang kanilang hirit na Special Risk Allowance (SRA), hazard pay at meal at transportation benefits sa mga frontliners hanggang Agosto 31.

Tinatayang aabot sa 2,000 health workers ang sasali sa massive protest kung hindi maibigay ang kanilang kahilinga sa itinakda nilang deadline.

Maliban dito, nagbanta rin ang mga healthcare workers ng mass resignation kapag bigong ibigay ng pamahalaan ang mga insentibong para sa kanila.