Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga vaccine manufacturers at distributors na masasangkot sa pagbebenta at pamamahagi ng COVID-19 vaccine na pinag-aaralan pa rin ng mga eksperto.
Pahayag ito ng kagawaran matapos lumabas ang ulat na tinurukan na ng COVID-19 vaccine ang ilang pulitiko, tulad nina Sen. Panfilo Lacson at Rep. Martin Romualdez.
“Wala pang aprubadong bakuna na pwedeng gamitin sa ating bansa para sa COVID-19. Until there is a registered vaccine from FDA, doon tayo dapat magkaroon ng access,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ipinaalala ng opisyal sa mga kompanya ang panuntunan ng batas na nagbabawal sa pagbebenta at pamimigay ng gamot o bakuna na hindi kinikilala ng Food and Drug Administration (FDA).
“Tayo ay may batas laban dito sa pamimigay, pagbebenta ng bakuna na wala pang rehistro ng FDA. May kaukulang sanctions itong mga nagbibigay. Please antayin natin matapos ang regulatory procedures bago mag-distribute because we are talking lives of the people.”
Sa isang panayam sinabi ni Senate Pres. Vicente Sotto III na nabakunahan na ng COVID-19 vaccine ang dalawang mambabatas.
“Si Senator Lacson ang tapang, immunized na ‘yun. Nagpa-injection na ‘yun… Oo, nauna na ‘yun, matapang ‘yun. Tsaka si Martin Romualdez,” ani Sotto sa interview ng DWIZ.
Binigyang diin ni Vergeire na layunin ng regulatory process na masigurong ligtas ang bakunang ibibigay sa publiko at epektibo.
Ayon sa opisyal, mahalaga pa rin na sundin ng publiko ang minimum health standards para maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19.
Nangako ang ahensya na agad ipagbibigay-alam ang impormasyon kapag may napili ng bakuna ang estado para sa mga Pilipino.
“Tayo ay kukuha lang ng bakuna, mag-access lang kapag mayroon ng registered o hindi kaya ay nag-umpisa na ang clinical trial natin.”