-- Advertisements --

Inatasan na ng Department of Health (DOH) ang regional office nito sa Central Visayas para padalhan ng kopya ng kautusan na nagbabawal sa steaming activities bilang treatment sa COVID-19 patients sa Cebu province.

Pahayag ito ng DOH kasunod ng ibinaba umanong utos ng Cebu provincial government para sa higit 16,000 barangay health workers na isasailalim sa training para gumamit ng traditional medicine.

“We coordinated this with our regional director in Region 7, also coordinating and sending the copy of advisory to the province of Cebu,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Iginiit ng opisyal na may prayoridad na protocol ang pamahalaan sa paghawak ng COVID-19 patients.

“Mayroon tayong protocols, and protocols would state for this COVID-19 response, our major strategies really would be to test, trace, and treat. Sana lahat ng local governments be all focus on this because these are the important things that we need to do para ma-manage natin at ma-contain ang infection sa isang lokal.”

Binigyang diin ng opisyal na bago pa man lumutang ang ulat hinggil sa panukalang paggamit ng “tuob” ay naglabas na ng advisory ang kagawaran.

“Yung mga misting, itong mga steam, hindi nire-rekomenda ng DOH specifically because it can aerosolize the virus and it can lead to further transmission of the disease.”

“Ito (advisory) naipalabas natin, I think that was Holy Week when we first issued this advisory. And now dito sa tuob nagpalabas tayo uli just reiterating na sinasabi natin, it might cause more harm than good.”

Una nang sinabi ng DOH na ang paggamit ng tuob o buga ng mainit na tubig na may halong asin, lemon, at iba pa, ay posibleng magdulot ng paglala ng sakit. Maaari rin daw itong makapaso at maka-trigger ng sakit na asthma.

Kung maaalala, si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia rin ang nag-utos kamakailan sa mga empleyado ng provincial capitol na mag-tuob sa kani-kanilang work stations bilang hakbang kontra COVID-19.