Pinamamadali na ng Department of Health (DOH) sa mga airline companies ang pagsasapubliko ng flight details ng mag-nobyang Chinese nationals na unang kaso ng novel coronavirus (nCoV) sa Pilipinas.
Ito’y matapos makumpirma na nCoV ang sanhi ng pagkamatay ng 44-anyos na lalaking Chinese. Ang unang death case ng nCoV sa Pilipinas at sa labas ng China.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, nakuha na ng kanilang Epidemiology Bureau ang flight manifesto ng isa sa mga eroplanong sinakyan ng mag-nobyang Chinese nationals.
Una ng inanunsyo ng Philippine Airlines na ang flight PR-2542 na Dumaguete to Manila noong January 25 ang detalye ng sinakyang biyahe ng magkasintahang nag-positibo sa nCoV.
Hinihintay naman ng ahensya ang flight details mula sa Cebu Pacific.
Nagpapatuloy ngayon ang contact tracing ng nabanggit na sangay ng DOH sa lahat ng pasaherong nakasabay ng dalawa.
Kinumpirma rin ni Sec. Duque na na-cremate na ang bangkay na lalaking Tsino.
Patuloy naman daw ang monitoring ng ahensya sa lagay ng babaeng Chinese sa kabila ng maayos ng kondisyon nito.
Tiniyak ng kalihim na may protective measures ang DOH sa mga healthcare workers na nag-aalaga sa mga pasyente.
Batay sa latest data ng Health department, 23 mula sa 36 na persons under investigation ang nag-negatibo sa pinaka-huling confirmatory testing ng nCoV. May apat na resulta pa ang hinihintay.
Nilinaw naman ng World Health Organization na hindi locally transmitted o hindi sa loob ng Pilipinas naipasa ang nCoV ng dalawang positive cases.