-- Advertisements --

Handa naman daw rumesponde ang lahat ng ospital mula sa mga probinsya sakaling mapuno ang kapasidad ng mga pagamutan sa Metro Manila.

Ito ang tiniyak ng Department of Health (DOH) sa gitna ng mga ulat na may ilang bansa ang pinipili na lang kung sino sa mga pasyente ang ililigtas at hahayaang mamatay sa COVID-19, dahil sa over capacity.

“That would never happen. Lahat ng pasyente na dadating sa ospital kahit gaano man kapuno iyan gagawan ng paraan ng gobyerno para sila ay ma-manage natin,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire, tagapagsalita ng ahensya.

“Kung tayo man ay mapupuno dito sa Metro Manila, nakahanda na ang mga karatig na regions natin to accommodate our patients,” dagdag pa ng opisyal.

May ilang ospital na raw sa labas ng National Capital Region na itinalaga ang DOH para maging stand-by na pasilidad. Kabilang na dito ang Jose B. Lingad Hospital sa Pampanga.

Sa huling tala ng DOH nitong August 6, 79% ng ICU beds sa Metro Manila ang okupado na ng COVID-19 patients. Sa isolation beds naman ay 77% ang occupied; at 86% sa ward beds.

Katumbas ng mga numerong ito ang antas ng danger level.

Ang antas naman ng mechanical ventilators ay nasa warning zone sa 50%.

“Ang gobyerno kahit na wala nang espasyo gagawa at gagawa talaga ng paraan para lahat ng pasyente natin ay mabibigyan ng appropriate care na kailangan nila.”