-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isinailalim na sa Code White Alert ang Department of Health (DOH) Region 2 bilang bahagi ng paggunita ng Semana Santa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Llexter Guzman, Health Education and Promotion Officer 3 ng DOH Region 2 na lahat ng kanilang mga units at mga DOH Hospital sa ikalawang rehiyon ay nakahanda na sa paggunita ng semana santa hanggang sa araw ng kagitingan, April 9.

Tiyak anya na tatangkilikin ng mga mamamayan ang pagtatampisaw sa tubig pangunahin na sa mga ilog, resort at beach kaya dapat lamang na matiyak ang kanilang kaligtasan.

Nagpaalala ang DOH Region 2 sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak na lumalangoy sa tubig at dapat ay may mga nakabantay na mga lifeguard sa mga resort upang agad makatugon sa di kanais-nais na pangyayari.

Nanawagan din siya sa publiko na iwasan din na lumabas sa kanilang mga tahanan lalo na sa mga oras na mainit ang lagay ng panahon.

Ugaliin din na uminom ng tubig upang makaiwas sa heatsroke.

Kapag may nakakaranas ng heat stroke ay tiyaking lapatan ng first aid tulad ng pagdala sa malamig na lugar, paglalagay ng ice sa mga singit ng pasyente bago dalhin sa pagamutan.