MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa tuluyang ipinahihinto ang paggamit sa investigational drug na remdesivir laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya matapos palutangin ng isang kongresista ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) laban sa naturang gamot.
“(Ang sabi ng WHO) the countries included in the Solidarity Trial can still pursue the clinical trial para mas madami pang pasyente ang ma-enroll baka mabago at makakita tayo ng epekto ng remdesivir,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Kung maaalala, noong nakaraang taon nang simulan ng WHO ang malawakang clinical trial sa iba’t-ibang “off-labeled drug” bilang posibleng gamot sa coronavirus.
Kabilang na rito ang hydroxychloroquine, ritonivar-lopinavir, dexamethasone, at remdesivir.
Matapos ang ilang buwan na pag-aaral, sinabi ng institusyon na wala silang nakitang ebidensya na epektibo ang remdesivir laban sa coronavirus.
Kaya naglabas sila ng “conditional recommendation” laban sa naturang gamot.
“Pero hindi lang naman WHO ang gumawa ng clinical trial for remdesivir, mayroon pang ibang clincial trial na ginawa and I think these are three na in-evaluate ng Living CPG group natin.”
“Isa doon sa trial nagpakita na may clinical improvement ang mga pasyenteng may severe when they had remdesivir part of their management, so this was one of the basis why Living CPG recommendad that it can be used through a CSP (compassionate special permit).”
Nilinaw ni Vergeire na pwedeng mag-apply ng CSP ang mga ospital at doktor na nais mag-reseta ng gamot sa kanilang pasyente kahit hindi pa ito rehistrado.
“Hindi sinabi ng WHO outright na remdesivir in the whole context, this was based on the clinical trial done on the Solidarity Trial for Drugs. May iba pang trials na ginawa na nakakita ng clinical improvement din.”
Sa isang online post, pinuna ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang patuloy na paggamit ng Pilipinas sa remdesivir.
Hinimok pa ng kongresista, na walang kasanayan sa medisina, ang mga gumamit ng naturang gamot na magpa-reimburse sa DOH.
“Sa ngayon everything na mayroon tayo as investigational (drug) nagco-compassionate special permit yung mga doktor o ospital na tingin nila makakabuti ito sa kanilang pasyente.”