
Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga iniimbestigahang pasyente o patients under investigation (PUI) ng coronavirus infectious disease mula sa mga Pinoy repatriates ng Diamond Princess cruise ship na naka-quarantine sa New Clark City (NCC) sa Capas, Tarlac.
Pinakabagong nadagdag sa bilang ang tatlo pang Pinoy crewmen na nakaranas ng lagnat, ubo at sakit sa lalamunan.
Ayon kay Health Asec. Maria Rosario Vergiere, posibleng ngayong araw o bukas malaman ang resulta ng test samples ng tatlo na ipinadala sa RITM.
Negatibo na sa test ang unang 10 na admit sa referral hospital sa Central Luzon, pero hindi pa rin daw sila naihahatid pabalik sa Athlete’s Village hangga’t hindi gumagaling sa kanilang mga karamdaman.
Nilinaw ng opisyal na hindi na madadagdagan pa ang 14-day quarantine ng mga naging PUI habang nasa NCC.
Sa latest data tracker ng DOH, 39 pa ang mga PUI sa buong Pilipinas.
Hindi pa kasama sa bilang ang tatlong nadagdag na repatriates at datos na nakalap mula sa iba pang rehiyon sa bansa.
Kaugnay nito pag-uusapan pa raw ng Inter-Agency Task Force ang posibilidad na magpatupad na rin ng travel restriction sa Japan kung saan galing ang Pinoy repatriates.
Ngayong araw mag-uusap ang technical working group ng IATF kung saan kasama sa agenda ang pagtimbang sa mga rekomendasyon ng travel ban sa Japan.
Ala-1:00 naman ng hapon mamaya ang regular press briefing ng DOH para sa updates ng COVID-19 situation sa bansa.
















