-- Advertisements --

Harapang binara ni dating Health secretary at Iloilo Rep. Janette Garin ang kasalukuyang kalihim ng Department of Health (DOH) Francisco Duque III hinggil sa mga hakbang na ginagawa ng kagawaran kontra sa dengue cases sa bansa.

Sa pagdinig ng House Appropriations Committee para sa 2020 proposed budget ng DOH, inamin ni Garin na hindi ito kumbensido na mabisa ang ipinapatupad na “4S” program ng tanggapan o mas pinaigting na paglilinis ng kapiligiran para sugpuin ang dengue.

Para sa dating cabinet official, dapat ng itigil ni Duque ang panlilinlang sa publiko dahil maituturing na paso na ang naturang programa.

Iginiit ni Garin ang pag-aaral ng World Health Organization noong 2010 na nagdeklara sa dengue bilang international public concern.

Hindi rin aniya makakatulong ang fogging sa mga komunidad dahil sa halip na patayin at itinataboy lamang nito ang mga lamok.