-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng ilang kongresista ang Department of Health (DOH) na maging mas maingat sa paglalabas ng premature claims sa mga suspected novela coronavirus (n-cov) cases sa bansa, gayundin ang paglaban sa mga nagsulputang fake news ukol sa naturang sakit.

Sinabi ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Ronnie Ong na dapat maghinay-hinay ang DOH sa paglalabas ng public pronouncements kaugnay sa mga hindi pa berepikadong kaso ng novela coronavirus dahil maaring magdulot lamang ito ng public panic.

“I really hope the DoH would be more circumspect about making premature pronouncements related to this dreaded respiratory disease. I suggest that before making any public pronouncement on matters related the coronavirus, it should first conduct all the needed tests,” ani Ong.

Hangga’t maaari ay maglabas lamang aniya ng public pronouncement sa oras na may matukoy nang nagpositibo talaga sa naturang virus.

“Sa ngayon kasi, puro suspected cases pa lang yung mga kaso pero parang napakalala na ng sitwasyon ang pagkaka-announce sa publiko. What we need from the DoH is proper information to calm us down instead of throwing us into panic. Maling diskarte ‘yan,” dagdag pa nito.

Ang mainam aniyang gawin sa ngayon ng DOH ay makipag-ugnayan sa Bureau of Immigration at iba pang ahensya ng pamahalaan, tungo sa paglunsad agad ng information drive para matiyak ang hindi pagkalat ng novela coronavirus.

Samantala, sinabi ni dating Health Sec. at Iloilo Rep. Janette Garin na dapat hindi hinahayaan ng DOH kundi kailangan sagutin at linawin ang kumakalat na fake news patungkol sa nakakamatay na sakit.

Kung masasagot aniya ng DOH ang bawat pekeng balita na lumalabas sa social media, ay lalakas ang tiwala ng publiko na kaya ng gobyerno na maiwasan ang banta ng panibagong outbreak sa bansa.