Sumampa na sa 98,232 ang kabuuang bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas ngayong araw.
Sa pinakahuling case bulletin mula sa Department of Health (DOH), umabot sa 4,963 ang kumpirmadong mga kaso sa loob ng 24 oras base sa resulta ng mga tests na isinagawa ng 74 sa 94 na mga laboratoryo sa buong bansa.
Mula sa halos 100,000 mga kaso, nasa 30,928 naman ang numero ng mga active cases.
Pinakamalaking porsyento pa rin sa mga ito ang mild cases na nasa 88.9%; sinundan ng mga asymptomatic na nasa 9.2%; Severe na nasa 1.1%; at critical na nasa 0.8%.
Samantala, nangunguna pa rin ang National Capital Region o Metro Manila sa may pinakamaraming kasong naitala ngayong araw kung saan umabot sa 2,667 ang mga nagpositibo.
Sinundan ito ng lalawigan ng Cavite na may 405; Cebu na may 355; Laguna na may 324; at Rizal na may 252.
Sa kabilang dako, umabot naman sa 65,265 ang total reported recoveries kung saan 93 ang nadagdag ngayong araw.
Sa death toll naman, 17 ang nadagdag kaya lumobo pa sa 2,039 ang bilang ng mga binawian ng buhay dahil sa sakit.
Anim na mga duplicate ang tinanggal sa total count ng mga recoveries, habang isang duplicate naman ang inalis sa total count ng mga COVID-19 deaths.