MANILA – Iginiit ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi pa tuluyang bumababa ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Pahayag ito ng opisyal matapos makapagtala ng higit 7,000 bagong kaso ng coronavirus kahapon, April 20.
Gayundin na higit dalawang linggo na ang nakakalipas mula nang ibalik ang enhanced community quarantine sa National Capital Region (NCR) Plus.
“Hindi pa natin makikita yan sa ngayon. May mga artificial declines pa rin tayo ngayon,” ani Vergeire.
Ayon sa opisyal, ilang laboratoryo pa rin ang hindi nakakapag-report tuwing araw ng Linggo. Mayroon ding hindi nago-operate.
“Ang laboratories kasi natin they need time to disinfect, clean up, recalibrate their equipment. Usually its Sunday na tumitigil sila at ginagawa nila ito.”
“This is for preventive maintenance also so that we can maintain our accuracy of results.”
Noong April 18, nasa 19 na laboratoryo raw ang hindi nag-operate. Apat naman ang hindi nag-sumite ng datos.
Kinakausap na raw ng DOH ang mga laboratoryo para hindi na abutin ng isang buong araw ang kanilang disinfection tuwing weekend.
Nagpaliwanag naman ang ahensya kaugnay ng mataas pa rin ang “positivity rate” o bilang ng mga nagpo-positibo mula sa populasyong nagpapa-test.
Ani Vergeire, dalawang bagay ang nakakaapekto sa mataas na posivity rate: kulang na testing at malaking bilang ng confirmed cases sa komunidad.
“We are trying to ramp up our testing, we do the risk-based testing. We cant test everybody actually, yung sinasabing mass testing. That would be irrational and inefficient sa government… we test those who are supposed to be tested and we isolate them immediately.”