-- Advertisements --
NTF DAVAO VACCINE
IMAGE | National Task Force against COVID-19 handout

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa kasali sa mga unang matuturukan ng COVID-19 vaccines ang pamilya ng mga frontline healthcare workers.

Pahayag ito ng ahensya matapos tanungin kung posible rin bang maunang mabakunahan ang pamilya ng medical workers na araw-araw may exposure sa mga pasyente.

“No they are not eligible. Ang binibigyan muna natin ng prayoridad ngayon ay mga healthcare workers natin,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Paliwanag ng opisyal, maaari pa ring mabakunahan ang pamilya ng healthcare workers depende sa sektor na kanilang kinabibilangan.

Aminado ang tagapagsalita ng DOH na kulang pa ang doses na hawak ng bansa para maturukan ang grupo ng healthcare workers.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 1.8-million na mga frontliner healthcare workers. Batay sa pagtataya ng National Task Force against COVID-19, 4-million doses ang kailangan para pa lang sa naturang sektor.

“Andito pa lang tayo sa matataas na level ng ospital, hindi pa natin nabibigyan yung ibang ospital at mga community health workers.”

“Tapusin muna natin lahat sila tsaka tayo pupunta sa ibang sektor.”

Nagbabala naman si Vergeire sa mga pulitiko at government officials na magnanais pa ring sumingit sa pagbabakuna sa kabila ng prioritization.

“These AstraZeneca vaccine is for healthcare workers. Any breach might jeopardize the succeeding batch of vaccines that will come from COVAX facility. So sana sundin muna natin yung prioritization framework, lahat naman makakakuha.”

Kung maaalala, inulan ng batikos ang pagpapabakuna kamakailan nina Interior Usec. Jonathan Malaya, MMDA chief of staff Michael Salalima, at Quezon Rep. Helen Tan, na isang doktor.

Noong nakaraang linggo nang dumating ang 600,000 doses ng Sinovac vaccines. May dumating na rin na 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines mula COVAX facility ng World Health Organization.

Ayon kay Vaccine czar Carlito Galvez, may darating pa na 1.4-million doses ng Sinovac vaccine ngayong buwan.