Naniniwala ang Department of Health (DOH) na nakaapekto ang pumutok na COVID-19 pandemic kaya may pagbaba sa bilang ng mga kaso ng tuberculosis (TB) sa bansa.
Batay sa datos ng National Tuberculosis Control Program ng DOH, mula Enero hanggang Marso nitong taon ay umabot sa 88,662 ang numero ng mga bagong tinamaan ng sakit. Kasali na rin daw dito ang relapse cases o mga muling na-diagnose sa TB.
Pero kung hihimayin ang datos, makikitang pababa ang trend ng mga kaso sa pagitan ng mga buwan. Mula sa 30,728 recorded TB cases nang Pebrero, bumaba pa ito sa 24,782 nang matapos ang Marso.
Sa kabila nito, naka-alerto pa rin daw ang ahensya.
“We see this as a direct effect of the COVID-19 pandemic on a critical disease prevention and
control program like TB,” ani Health Sec. Francisco Duque.
“The quarantine has extremely affected and limited the health seeking behaviors of our fellow Filipinos.”
Paliwanag ng kalihim, hindi ibig sabihin na bumababa ang TB cases sa Pilipinas ay matagumpay ang NTP sa programa nito.
“Our goal for our TB program is to find and treat as many TB cases as possible. Only by finding and treating these cases can we limit its spread and achieve our dream of a TB-free Philippines.”
Sa nakalipas na mga taon pinalakas ng DOH ang mga inisyatibo nito sa paghahanap ng active TB cases. Ito ay sa pamamagitan ng mga inilunsad na outreach activities sa komunidad at local TB task force.
Mula 2017 hanggang 2019, naabot at nabigyang tulong ng ahensya ang average target nitong 93-percent na mga kaso ng sakit.
Kasabay nang pagpapatupad ng community quarantine protocols noong Marso, naglabas ng department memorandum ang DOH-NTP para masigurong tuloy-tuloy pa rin ang TB services kahit may lockdown.
“We are taking unprecedented steps to treat our fellow Filipinos with active TB disease. We are monitoring our stocks to make sure those with active TB have access to free medicines and are able to complete their treatment regimen,” ani Duque.
Sa ngayon patuloy ang kagawaran at sangay nito sa pagpapatupad ng TB services lalo na’t lumuwag na ang community quarantine sa ibang lugar.
Hinimok naman nito ang TB patients na makipag-ugnayan sa health care providers para sa tuloy-tuloy nilang treatment.
Noong nakaraang taon, Pilipinas ang may pinaka-maraming insidente ng TB sa buong Asya. Ayon sa World Health Organization, 554 na kaso ng sakit ang naitatala mula sa 100,000 na populasyon ng bansa.
Tinatayang 74 na Pilipinong may TB naman ang namamatay kada araw, kaya isa ito sa mga itinuturing na Top 10 cause of death sa bansa.