MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na dadaan pa sa evaluation ng ahensya at mga eksperto ang itinuloy ng pag-aaral ng Philippine Red Cross (PRC) sa saliva test para sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hihintayin pa nilang mai-submit ng PRC ang mga tugon sa ilang karagdagang rekomendasyon.
“Inaantay lang natin na matapos ng PRC yung additional recommendation ng ating mga eksperto sa kanila para maging mas accurate yung basis natin to adopt protocol for saliva as specimen,” ani Vergeire sa Malacanang press briefing.
Nitong Martes nang simulan ng PRC ang pangongolekta ng saliva samples kaugnay ng ginagawa nilang pilot study sa alternatibong testing method.
Ayon sa PRC, 16 na ospital sa Metro Manila at ilang komunidad ang kinuhanan nila ng samples para sa pag-aaral.
“Hospitals will administer the tests that’s why there would be no difficulties. The nice thing about this, if the saliva tests are approved, all hospitals can have this,” ani PRC chairman Richard Gordon.
“Sabi nila (Dr. Paulyn Ubial, PRC molecular laboratories chief) baka sakali by Monday makakapag-present na sila sa ating laboratory expert panel at HTAC (Health Technology Council),” ayon kay Vergeire.
Paliwanag ng DOH spokesperson, maaari nang simulan ang saliva test kung mapapatunayan ang magandang resulta ng pag-aaral.
Pati na kung rehistrado sa Food and Drug Administration ang test kit para sa naturang stratehiya ng COVID-19 test.
Simula Mayo ng 2020, ginagamit na ng Estados Unidos ang saliva test matapos aprubahan ng kanilang FDA ang diagnostic test kits na gumagamit ng laway para makapang-detect ng coronavirus.