-- Advertisements --
vergeire

Pinawi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire ang pangamba ng mga mamabatas sa House of Representatives kaugnay sa tumataas na kaso ng local COVID-19 infections.

Sa isinagawang pagdinig sa House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co. kaugnay sa oversight meeting sa budgetary performance ng DOH, sinabi ni Vergeire sa mga mambabatas na mahigit 90% ng naitalang COVID-19 infections ay mild at asymptomatic cases.

Habang nasa 8 hanggang 9 porsyento lamang ang iniuri na severe at critical cases.

Pumapalo naman sa 822 ang naitatalang average covid-19 cases kada araw. Ito ay 79% na mas mataas kumpara sa dalawang linggong kaso.

Pagdating naman sa bagong variant ng covid-19 na Arcturus na napaulat na laganap sa buong mundo, isa pa lamang ang nadetect dito sa Pilipinas.

Sinabi din ni Vergeire sa mga mambabatas na sa kasalukuyan mas mababa sa 20% ang healthcare utilization o bilang ng na admit na pasyente na may kaugnayan sa COVID-19.