Nilinaw ngayon ng Department of Health (DOH) na 31 lamang ang bilang ng suspected cases ng novel coronavirus sa bansa.
Ginawa ni DOH spokesperson Eric Domingo ang naturang pahayag matapos na sabihin kaninang umaba ni DOH-Epidemiology Bureau director Dr. Chito Avelino na umakyat na sa 56 ang bilang ng persons under investigations.
“As of 12 noon today we have two additional persons under investigation reported in the last 24 hours, which brings the total to 31,” ani Dominggo.
“We have now 31 persons under investigation, including one of them which turned out to be the positive and verified case,” dagdag pa nito.
Isa sa dalawang bagong suspected cases na naitala nitong araw ay Chinese national habang ang isa pa ay American naman.
Kasalukuyang naka-admit ang mga ito sa magkahiwalay na ospital.
Samantala, ang 56 na naunang sinabi ni Avelino ay pawang “novel coronavirus-related health events.”
Kapag sinabing nCoV-related health event, ang isang symptomatic patient ay may travel history mula sa alinmang rehiyon sa China sa nakalipas na dalawang linggo.
Nangangahulugan naman ang persons under investigation bilang mga taong bumiyahe sa Hubei province kung saan matatagpuan ang Wuhan City.
Samantala, bagama’t dineklara na ng World Health Organization na global emergency ang nCoV, sinabi ni WHO country representative Dr. Rabindra Abeyansinghe na hindi nila inirerekomenda na magpatupad ng travel restrictions.