-- Advertisements --

Pumalo lamang sa 1,910 ang bilang ng mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ngayong araw.

Sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH), lumobo pa sa 346,536 ang kabuuang bilang ng mga nagpopositibo sa virus sa bansa.

Ayon sa ahensya, 11 laboratoryo ang bigong magsumite ng kanilang report sa COVID-19 Data Repository System.

Mula sa mga bagong kaso ng sakit, 86% o 1,639 ang nagpositibo sa nakalipas na 14 na araw.

Pinakamarami pa rin ang galing sa National Capital Region, na sinundan ng Region 4A at Region 6.

May ilan din na noong pang Marso hanggang Agosto nagpositibo pero kahapon lang nai-report ng mga laboratoryo.

Sa ngayon, may 46,227 pa na mga aktibong kaso ang nagpapagaling.

Ang total recoveries, umakyat din sa 293,860 dahil sa 579 na nadagdag sa listahan. Habang 78 ang additional sa total deaths na ngayon ay nasa 6,449.

Nagtanggal ang DOH ng 87 duplicates mula sa total case count, kung saan 85 ang mga recovered cases at isa ang death case.

Samantalang 17 recovered cases ang pinalitan ng tagging matapos matukoy sa validation na lahat sila ay patay na.