Umabot na sa mahigit 4 milyong indibidwal o katumbas ng mahigit 1.2 milyong pamilya ang apektado ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng habagat.
Sa pinakabagong datos mula sa Office of the Civil Defense (OCD), naitala ang mga apektadong populasyon sa mga sumusunod na rehiyon: Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Zambonga Peninsula, Calabarzon, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at Mimaropa.
Sa mga apektadong pamilya, pansamantalang nanunuluyan ang mahigit 51,000 indibidwal sa mga evacuation center.
Sa kasalukuyan, base sa datos ng tanggapan, kumitil na ng 21 buhay ang mga kalamidad. Nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga nasawi sa Benguet na nasa 15 katao, habang naitala ang iba pang mga napaulat na casualties sa La Trinidad, Baguio at Atok, na karamihan ay nasawi dahil sa landslide.
Tig-tatlo naman ang naitalang pagkasawi sa Rizal at Batangas dahil sa pagkalunod, pagkakuryente at pagguho ng lupa.
Patuloy din ang paghahanap sa tatlong napaulat na nawawala mula sa Alaminos City sa Pangasinan, Batangas City at Candelaria sa Quezon.
Pumalo naman na sa mahigit P2.6 billion ang halaga ng danyos sa sektor ng imprastruktura habang mahigit P347 million na ang pinsala sa agrikultura.
Tuluy-tuloy din ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga nasalanta ng kalamidad na umaabot na sa mahigit P495 million.
















