-- Advertisements --

Sinalungat ng Department of Health (DOH) ang pahayag ng independent experts na OCTA Research na naabot na ang peak ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Health Undersecretary maria Rosario Vergeire, sa katapusan pa ng Setyembre o sa mga unang araw ng Oktubre posibleng ma-peak ang COVID-19 cases sa NCR.

Ang delay sa peak ay posibleng dahil sa pagbagal ng pagtaas ng mga kaso bunsod ng ipinatupad na community quarantine restrictions, pinabuting Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate strategy, at vaccination.

Nauna nang sinabi ng DOH na ang daily COVID-19 cases sa NCR ay posibleng nasa 16,000 hanggang 43,000 na pagsapit ng Setyembre 30, pero ang projection na ito ay maari naman anilang magbago.

Pero kung ang OCTA naman ang tatanungin, hindi malayong naabot na ang peak ng COVID-19 cases sa NCR.

Sa kanilang latest update, sinabi ng OCTA na ang NCR ay mayroon nang average na 5,319 na bagong kaso ng COVID-19 mula Setyembre 13 hanggang 19.

Mas mababa ito ng 13 percent kung ikukumpara sa tally sa nakalipas na linggo na 5,916 cases.

Ang reproduction number, na tumutukoy sa bilang ng mga tao na kayang hawaan ng isang positibo sa COVID-19, ay bumaba sa 1.14 mula sa 1.37 sa nakalipas na linggo.

Nabatid na ang reproduction number na mas mababa sa one ay nagpapakita lamang na bumabagal o humihina ang pagkalat ng virus.

Sa kabilang dako, ang positivity rate naman ay bumaba sa 25 percent mula sa 25 percent, ayon sa OCTA.

Pero ayon sa OCTA, kailangan na ma-sustain ang pagbaba sa bilang ng mga kasong ito bago pa man ma-establish talaga na naabot na nga ang peak.