-- Advertisements --

Naalarma ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng rate ng hawaan ng COVID-19 sa ilang mga lugar sa Visayas at Mindanao.

Ito ang obserbasyon ng DOH sa gitna naman nang pagbaba ng COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) Plus at nalalabing bahagi ng Luzon.

Ayon kay Dr. Alathea De Guzman, ang officer-in-charge ng DOH Epidemiology Bureau, patuloy ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR Plus, na mas mababa pa kumpara sa numero noong nagsimula ang enhanced community quarantine noong Marso.

Bagama’t bumubuti na ang sitwasyon sa Metro Manila at iba pang mga lugar sa Central Luzon, nagkakaroon naman ng positive growth rate sa 10 rehiyon sa bansa dahil sa tumataas na daily attack rate.

Kabilang sa mga rehiyon na ito ay ang Zamboanga Peninsula, Western Visayas, Mimaropa, Caraga, Northern Mindanao, Soccsksargen, Bicol Region, Davao Region, Eastern Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa buong bansa, ang average number ng bagong COVID-19 cases mula Mayo 11 hanggang Mayo 17 ay bumaba na sa 5,886 kumpara sa 10,406 average cases sa kasagsagan ng peak ng surge mula Abril 6 hanggang abril 12.

Sa Metro Manila, ang average daily reported cases mula Mayo 11 hanggang Mayo 17 ay 1,417, mababa kumpara sa 5,325 average cases sa peak ng mga kaso sa rehiyon mula Marso 30 hanggang Abril 5.

Samantala, sa ibang mga lugar naman sa NCR Plus, ang average daily cases mula Mayo 11 hanggang 17 ay 1,070, o nasa kalahati ng 2,203 cases noong peak mula Abril 6 hanggang 12.