Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) ang nag-udyok kay Interior Sec. Eduardo Año para isulong ang pagpapatigil ng home quarantine sa mga mild at asymptomatic cases ng COVID-19 sa bansa.
“Based from the observations by National Task Force (NTF) and the DILG, na talagang here in Metro Manila ang dami talaga nagho-home quarantine sa komunidad,” ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, naging factor o dahilan ang home quarantine nang tuluyan pang pagkalat ng sakit sa komunidad.
“Even in other areas when they went around, they were able to note that home quarantine mas preferred ng tao, mas ginagawa nila.”
As of September 6, 41% ng 167,058 total bed capacity ng temporary treatment and monitoring facilities (TTMFs) sa bansa ang utilized o may naka-admit na pasyente.
Kung susuriin ang datos, halos lahat daw ng rehiyon ay nasa “medium risk” o 30 to 60% ang utilization. Nasa “low risk” na kategorya naman ang TTMFs sa Ilocos region at Calabarzon.
Pinakamataas ang occupancy rate sa National Capital Region na nasa 59%. Sumunod ang Cagayan region sa 51%, at Bicol na may 56%.
Samantala, bigo naman ang Cordillera Administrative Region, Central Luzon at Calabarzon na maabot ang target na isang kama sa kada 2,500 na populasyon.
Una nang sinabi ng Health department na aabot sa 1,742 ang cumulative COVID-19 clusters sa bansa, kung saan 1,480 o 84.9% ang mula sa komunidad.
“Itong mga clusters na ito ay mostly coming from the community. Paano ba natin mape-prevent ang transmission sa household? Ganon pa rin, minimum health standard.”
Paalala rin ni Usec. Vergeire, agad i-isolate ang kasama sa bahay na makikitaan ng sintomas o may close contact.