Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa paggamit ng anti-parasitic drug na Ivermectin bilang treatment drug sa COVID-19.
Pahayag ito ng DOH matapos lumabas ang ulat ukol sa ilang doktor na nire-reseta raw ang nasabing gamot sa kanilang COVID-19 patients.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration at ethics review board ang nasabing gamot.
“Off label siya kasi prinoduce siya for another purpose. Hindi po dapat tayo sumusbok ng ganito hangga’t hindi po tayo nagkakaroon ng approval ng FDA at saka ng ethics review board,” ani Vergeire sa isang online media forum.
Paliwanag ng opisyal, naka-disenyo rin ang Ivermectin panggamot sa external parasites tulad ng kuto at iba pang skin condition.
“I am just warning those doctors who are doing this without undergoing through the regulatory process, dahil ito ay maaaring makasama sa kababayan natin dahil wala pa naman tayong sapat na ebidensya na itong Ivermectin ay maaaring gamitin para sa COVID-19 o para mag-prevent ng COVID-19.”
Nilinaw ni Usec. Vergeire na “in vitro” o sa laboratoryo pa lang pinag-aaralan ng ibang bansa ang Ivermectin bilang posibleng treatment drug sa COVID-19. Ibig sabihin hindi pa ito nasusubukan sa hayop o sa tao.