-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa online scams na nag-eendorso ng mga gamot para sa hypertension o mataas na presyon ng dugo.

Sa inilabas na advisory ng DOH, inabisuhan nito ang publiko na huwag maniwala sa mga website o page na ginagaya ang DOH at mga kumakatawan dito upang magbenta ng mga produktong panlunas sa hypertension.

Binigyang diin ng ahensiya na walang patunay na lunas sa karamdaman ang naturang mga produkto at hindi rin aniya mag-eendorso ang DOH ng komersyal na produkto.

Kayat inabisuhan nito ang publiko na tanging sa official website ng DOH sumangguni para sa maiwasang mabiktima ng scam online.

Nagpaalala din ang DOH na mag-ingat sa mga mapanlinlang na marketing strategy na gumagamit ng pekeng testimoniya, pekeng endorsement mula sa mga eksperto at panlabas na mga pahayag hinggil sa kalusugan.

Samantala, naireport na rin ng DOH sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pekeng account at gumagawa na rin ng hakbang para mapanagot sa batas ang mga nasa likod nito.

Pinayuhan din ang publiko na ireport ang mga ganitong fake accounts at huwag ng i-share pa sa iba.