Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag bumili ng isda na mula sa Taal Lake at probinsya ng Batangas.
Ginawa ito ni Health Assistant Secretary Ma. Francia Laxamana sa press briefing sa Malacanang kasunod ng phreatic eruption ng Taal Volcano noong Linggo, Enero 12, 2019.
“Unang-una talagang ipinagbawal. Lahat ng mga nanggagaling diyan sa area ng Taal at Batanggas ay dapat wala na talagang bibili kasi hindi natin maasahan ang safety ng ating mga mamamayan,” ani Laxamana.
Babala ni Laxamana, posibleng magresulta sa “food poisoning” ang pagkain ng isda mula sa Taal Lake at Batangas.
Ilan sa mga sintomas na mararanasan ng makakakain ng nasabing mga isda ay pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae.
Base sa report ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, tinatayang aabot sa 15,033 metric tons ang production loss sa fishkill na inaasahan sa Taal Lake dahil sa mataas na sulfur content na dala ng volcanic eruption.