-- Advertisements --

Muling nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa mga pekeng One Health Pass website.

Ayon sa DOH, nananatiling iisa lang ang portal ng One Health Pass na maaring ma-access ng publiko.

Sinabi ni DOH OIC Maria Rosario Vergeire, walang bayad ang kanilang website at ang kailangan lamang ay ang vaccination certificate at antigen test result bago magparehistro.

Una nang nakatanggap ng report ang DOH at ang Bureau of Quarantine (BoQ) hinggil sa mga pekeng One Health Pass website na nanghihingi ng pera sa international travelers.

Ang mga biyahero mula sa iba’t ibang bansa ay obligadong magrehistro sa One Health Pass website, 48 oras bago ang kanilang pagdating sa Pilipinas.

Payo ng DoH, isumbong sa kanilang tanggapan o sa PNP Cyber Security ang sinumang gumagamit ng pekeng web portal, dahil maliban sa panghihingi ng pera, maaari ring makapagnakaw ng data ang nasabing account, para sa sinumang mag-a-access sa web links.