-- Advertisements --

Bumubuo ngayon ang Department of Health (DOH) ng mga ahensya ng pamahalaan na magiging bagong miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF.

Sa isang pahayag ay sinabi ng Malakanyang na tanging mga ahensyang mayroong relevant at intended functions ang magiging bahagi ng panibagong IATF ngayon sa administrasyong Marcos Jr.

Habang sinabi naman ni DOH officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa kasalukuyan ay isasaayos muna nila ang mga pagpupulong at proseso ng IATF na mayroong malinaw na direktiba habang nakabinbin sa ngayon ang naturang reconstitution dito.

Samantala, bilang bahagi nito ay gagamitin aniya nila ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang platform, na pansamantalang papalit sa National Task Force Against COVID-19 (NTF) na magbibigay-daan naman sa mga IATF health expert group na ipagpatuloy ang kanilang trabaho habang sila ay nagsisilbing boses ng agham sa bansa.

Magugunita na una nang nakipagkita sa mga opisyal ng DOH si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang talakayin ang mga usapin na may kaugnayan sa COVID-19 pandemic at sa mga dapat na maging tugon dito ng pamahalaan.