Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may sapat na supply ang bansa ng treatment medicine para sa mga pasyenteng infected ng sakit na HIV (human immunodeficiency).
Sa report kasing inilabas ng World Health Organization (WHO), lumalabas na may 73 bansa na ang nagpahayag na malapit ng maubos ang kanilang mga antiretroviral (ARV) medicines dahil sa COVID-19 pandemic.
“The DOH has secured stocks of antiretroviral drugs for HIV up until next year,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Dagdag pa ng opisyal, lumalakad na ang procurement o pagbili ng karagdagan pang supply, kaya tiyak umano na hindi magkaka-shortage ng nasabing gamot.
Batay sa ulat ng WHO, 8.3-milyong HIV patients ang nakikinabang sa ARV noong nakarang taon sa 24 bansang may supply shortages ngayon.
“This represents about one third (33%) of all people taking HIV treatment globally,” nakasaad sa report.
Bagamat wala pang lunas sa sakit, nagagawang kontrolin ng ARV ang virus at pinipigilang maipasa sa pamamagitan ng pagtatalik.
Hinimok ni WHO director general Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus ang mga bansa at development partners na sikaping matutugunan ang pangangailangang treatment ng mga HIV patients.
“We cannot let the COVID-19 pandemic undo the hard-won gains in the global response to this disease,” ani Ghebreyesus.