-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pang pag-aaral na ginagawa sa Pilipinas kaugnay ng “COVID-sniffing dogs” o mga trained na aso na kaya umanong maka-detect ng coronavirus.

Pahayag ito ng ahensya matapos maulat na may nakatakda raw i-deploy na trained dogs sa Antipolo, Rizal para tumulong sa detection ng COVID-19.

“Sa kasalukyan po, walang pag-aaral na ginagawa sa Pilipinas ukol sa COVID-sniffing dogs.”

Aminado ang ahensya na may ibang mga bansa ang nagsasagawa ng pag-aaral at gumagamit na ng COVID-sniffing dogs sa kanilang point of entries, tulad ng Helsinki-Vaanta Airport sa Finland, at mga paliparan sa United Arab Emirates.

“Nasa pilot stages pa lamang po sila.”

Pinaalalahanan ng Health department ang publiko at mga opisyal na hintayin muna ang resulta ng mga ginagawang pag-aaral bago magpatupad ng mga hakbang kaugnay ng COVID-19 response.

Batay sa inisyal na resulta ng isang international study, lumabas na kayang ma-detect ng trained dogs ang isang infected na tao bago pa siya makapag-develop ng sintomas.

Ayon sa pag-aaral, mas may kakayahan daw maging COVID-sniffing dog ang mga asong ginagamit bilang sniffing canine ng iligal na droga at mga eksplosibo.

“A pilot scheme involving 4 sniffer dogs at Helsinki airport indicated that dogs can detect the presence of the virus in less than 10 seconds with nearly 100% accuracy,” nakasaad sa isang artikulo sa Nature journal.