Nagpaalala ang Department of Health (DOH) hinggil sa epekto ng paggamit ng off-labeled drugs sa mga pasyente ng coronavirus disease (COVID-19).
Ito’y matapos lumabas sa pag-aaral ng ilang eksperto sa Amerika na nagkaroon ng negatibong epekto sa ilang COVID-19 patients ang paggamit ng isang anti-malaria drug.
“Kagaya po ng mga napag-usapan natin sa mga nakaraang presser, kailangan po tayong mag-ingat sa paggamit ng mga gamot dahil maaari po itong magkaroon ng side effects sa ating mga pasyente. Sa katunayan po, ang chloroquine at hydroxychloroquine ay may epekto hindi lamang sa puso kundi rin sa mata, dugo, at sa atay.”
Kabilang ang naturang mga gamot sa Solidarity trial ng World Health Organization (WHO).
“Dahil dito, kasama po sa protocol ng Solidarity Trial ang tinatawag nating inclusion criteria o mga pamantayan na dapat masunod bago maisama o ma-enroll ang isang pasyente sa Solidarity Trial.”
“Kabilang po dito ang screening na iiwasan nating magbigay ng mga gamot sa taong may mga sakit sa puso. Bukod po dito, masugid po silang babantayan ng ating mga investigators na kasama dito.”
“Babantayan ng mga doktor ang kalagayan ng bawat pasyenteng sasailalim sa trial upang makasiguro na hindi makasasama sa kanila ang pagbibigay nitong hydroxychloroquine.”