Iginiit ng Department of Health (DOH) na ang biglang taas sa numero ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ay bunga ng pinalakas na testing at agresibong pagsisikap na mahabol ang testing backlog.
“Gaya po ng naipaliwanag namin kahapon, hindi ito nangangahulugan na lumalala ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Noong Huwebes, May 28, nag-ulat ang Health department ng 529 na mga bagong kaso ng sakit. Itinuring ito na pinakamataas na reported new cases mula noong March 31.
Pero paliwanag ni Usec. Vergeire, 109 lang mula sa nasabing total ang itinuturing na “fresh cases.”
“Out of these 539 cases, 109 lamang po ang FRESH cases — mga kasong kakalabas lang ng laboratory resuts nila sa loob ng tatlong araw na nakalipas. Uulitin ko po, 109 out of the 539 cases are those that were reported in the past three days,” ayon sa opisyal.
Habang ang natitirang higit 400 na mga bagong kaso ay itinuturing daw na “late cases” o mga resultang matagal nang lumabas pero huli na nang isumite ng laboratoryo, kaya late din na-validate ng DOH.
Ayon kay Usec. Vergeire, malaking tulong ang mass hiring ng ahensya sa disease surveillance officers at rollout ng COVIDKAYA information system sa pagbilis ng validation process.
“Dahil dito, asahan natin na marami tayong mairereport na mga na validated na kaso sa mga
susunod na araw.”
Nitong Sabado pumalo na sa 17,224 ang total ng COVID-19 cases sa bansa dahil sa 590 na naitalang mga bagong kaso ng sakit.
Ayon sa DOH, 252 sa mga ito ang fresh cases; nasa 338 naman ang late cases.