Walang bakas ng pangamba mula sa Department of Health (DOH) ang patuloy na pag-usad ng Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakamaraming naitala na kaso ng COVID-19.
Batay sa huling update ng COVID-19 tracker ng John Hopkins University and Medicine, nasa ika-18 pwesto na ang bansa mula sa 20th rank nito noong nakaraang linggo.
“Ibig sabihin, ito iyong mga reported natin na mga kaso simula noong nag-umpisa tayo. Hindi pa po nababawas diyan iyong mga nakarecover, mga namatay at kung ilan po ang active cases,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, walang dapat ikabahala ang publiko dahil bagamat sinasalamin ng total ang dami ng naitalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas mula Enero, ay nasa bilang naman ng active cases ang totoong sitwasyon.
Ayon kay Vergeire, 82% ng reported coronavirus cases sa bansa ang gumaling na; at 1.8% lang ang fatality o mga namatay.
Ang active cases o mga nagpapagaling pa ay may katumbas naman na 15%.
“So when we look at this list of countries, with this cumulative number, we’re looking at the totality of cases. Pero kailangan naiintidihan ng ating mga kababayan para hindi sila natatakot. Ang dapat na makita natin ay mga aktibong kaso.”
“It has to be taken in a comprehensive or complete analysis when we look at this numbers para po hindi natatakot ang ating mga kababayan.”
Sa huling tala ng DOH, 339,341 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.