Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa rin sa ikalawang bugso o second wave ng COVID-19 infection ang Pilipinas sa kabila nang patuloy na pagtaas sa bilang ng mga tinatamaan ng sakit.
Binigyang diin ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na may mga mga indikasyon silang binabantayan at kinokonsidera pagdating sa developments ng virus infection. Gaya ng critical care utilization rate ng bansa, na ngayon ay nasa 50-percent na.
Kung titingnan ang datos ng critical care facilities o mga pasilidad na nakalaan para sa COVID-19 patients, danger zone na ang estado ng National Capital Region, Calabarzon, at Central Luzon.
Sa kabila nito, malaking bahagi pa rin naman daw ng bansa ang “manageable” pa ang lagay ng critical care facilities.
Isa rin umano sa kanilang batayan ay ang case doubling time, o pagitan ng mga araw bago muling dumoble ang kaso ng sakit sa bansa, na ngayo ay nasa siyam na araw.
Bukod sa dalawang indicators, sinusuri na rin daw ng DOH at mga eksperto ang trend ng infection kada linggo bilang batayan na rin sa kanilang monitoring.
As of August 12, umabot na sa 1,107 ang total ng clustered cases o mga lugar sa bansa na may higit dalawang kumpiradong kaso ng COVID-19. Mula rito, 69 ang bagong nadagdag na clusters, na karamihan ay galing sa NCR, Region 4A, Bicol, Central Visayas at Northern Mindanao.
Kung maaalala, sinabi ng DOH na bukod sa increased testing ay nakaapekto rin sa pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa ang pagluluwag ng community quarantine measures at community transmission.
Nitong Huwebes, pumalo na sa 147,526 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas. Mula rito, may 2,426 nang namatay at 70,387 na gumaling.