Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na mas maraming gagaling na pasyente ng COVID-19 sa bansa, sa kabila ng patuloy na pagtaas sa bilang ng mga tinatamaan ng sakit.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nananatiling malaki ang porsyento ng mga may mild cases o katamtaman lang ang level ng impeksyon; at mga asymptomatic, o positibo sa COVID-19 pero walang nararanasang sintomas.
As of July 5, 94.3-percent ang COVID-19 patients na may mild cases, habang 5.1-percent ang mga asymptomatic cases.
Hindi naman umabot ng isang porsyento o less than 1-percent ang bilang ng mga nasa severe at kritikal ang impeksyon sa COVID-19.
“I think kaya bumababa ang deaths natin because we are managing the cases, especially those that are in the hospitals.”
Una nang sinabi ng DOH na kahit nadagdagan ang bilang ng mga nagkakasakit sa COVID-19 ay pababa naman ang trend ng mga namamatay sa sakit.
Ang kabuuang case fatality rate o bilang ng mga namamatay mula sa mga tinamaan ng sakit sa bansa ay nasa 3.08-percent.
Mula rito, pinakamataas ang sa Ilocos region na may 7.6-percent, na sinundan ng Davao region, Northern Mindanao at Bangsamoro region na pare-parehong nasa higit 5-percent.
Kahit NCR ang may pinakamaraming tinamaan ng sakit, pang-lima lang ito sa mga rehiyon na maraming namatay sa 4.3-percent case fatality rate.
Ang Central Visayas naman, na isa ring tinututukan ng national government ay may fatality rate na 1.8-percent.
“For now tinututukan natin ng maigi, we’re monitoring Cebu City of course. Yung buong probinsya ng Cebu also. Lapu-Lapu City, Quezon City, Mandaue City and City of Manila, so these are the top 6 na tinitingnan natin that for these past week nakakapagtala tayo ng maraming kaso.”
Batay sa huling tala ng DOH, nasa 1,297 na ang total deaths ng COVID-19 sa bansa dahil sa pitong bagong namatay.